My KathNiel Fan Story

Each fan has a unique story to tell: from where they discovered them, to how being a KathNiel fan changed their lives – these are the stories of each and every one of us – these are our KATHNIEL FAN stories..

The stories below are entries for free “Most Wanted” concert tickets – we wanted to share them because as we were reading each and every story, we realised just how much inspiration Kath and DJ have given to so many of us and here are just three of them:

Mary-Hope-Love

Ito po ang family ko (Mary grew up in a convent). Sila po ang nagpalaki sa akin. Pinalaki nila ako na walang masyadong alam dito sa labas. Nang pinayagan ako ng superior namin makalabas, nagwork po ako dito sa Manila as yaya. Ngunit kahit nandito ako sa labas, parang nakakulong pa rin kasi umikot ang mundo ko sa mga batang inaalagaan ko. Wala rin akong nalalaman about showbiz. Di rin ako nag-aaksaya ng oras sa panunood ng TV.

Kahit na nakasama ko sa pagbabakasyon noon sa Tagaytay at Baguio ang sinasabi nilang artista na si Bianca Manalo, ay di ko nga alam na artista. Nakakatawa diba? Ang tawag nga sa akin ng mga nagiging kaibigan ko ay tanga. Wala akong kaibigan kasi ayaw kong masabihan ng tanga.

Ngunit itong February 2, 2015, may nangyari: kailangan ko kasing iwan ang inaalagaan ko. Kung di ko gagawin baka di ko na magawang iwan at di ko na matupad ang promise ko kina sisters.

Masakit, sobrang sakit. Halos dalawang linggo ako iyak nang iyak at nagkukulong sa kwarto.

Ang labandera nila Lola Clara, sabi niya kailangan ko mamasyal para malibang.

February 26, 2015: Ipinasyal ako ni Ate Jane sa SM Marilao, ngunit hindi ako nag-ienjoy. Sabi ko umuwi na lang kami, ngunit ayaw ni Ate Jane. Nagyaya siya manood ng sine. Sabi ko nga ayaw ko. I hate to watch movies, to be honest. Sa 26 years ng life ko never ko naranasan pumasok sa sinehan, ngunit mapilit si Ate Jane. Samahan ko lang daw siya.

Yun wala akong choice. Bumili si Ate Jane ng tiket at ang pinanood namin ay yung Crazy Beautiful You. Sa katagalan ng panunood ko, may scene na napatawa ako nang sobra. Yung tipong sumasakit na yung tiyan ko sa kakatawa. Yun yung kinikilit ni Jackie si Kiko para makuha yung susi.

Kahit si Ate Jane nagulat sa naging reaksyon ko. Natanong ko tuloy ang sarili ko nun kung paano, anong nangyari. Bakit kahit kumikirot ang dibdib ko, bakit natawa ako sa scene na yun?

Mula noon pabalik-balik ako sa sinehan. Pag namimiss ko yung alaga ko, pinapanood ko nang paulit-ulit sa sine ang movie na yun. Tapos laging sinasabi ni Ate Jane sa akin pag nasa TV yung dalawang bida sa movie.

Mula noon naging fan ako ng KathNiel. Dahil sa kanila nagpaturo ako kung paano gumamit ng Twitter. Kung dati puro books ang hawak ko, ngayon books at cellphone na.

Natuto akong humanga at sila yung naging inspiration ko.

Lalo pa akong napahanga dahil sa ginawa ni DJ para sa mga Aeta sa Tarukan.

Ngayon nararanasan ko na rin ang nararansan ng ibang dalaga at kahit sa Twitter lang nagkaroon ako ng mga kaibigan na hindi ako sinasabihan na tanga. Pag meron akong di naiintindihan, itanong ko lang sa mga friends ko sa KN Fandom, sinasagot nila ako ng hindi sinasabihan ng tanga.

Maraming binago ang KN sa buhay ko at masaya ako sa pagbabagong yun kasi naranasan ko ang nararanasan ng iba. Nagkaroon din ako ng mga kaibigan sa Twitter. Ang saya, di ko maexplain, pero iba ang magic ng KathNiel. Pag nakikita ko sila kahit sa TV lang, ang kirot sa dibdib ko, napapalitan ng tuwa.

Iba ang KathNiel. Iba ang magic nila.

Gusto ko lang talaga siya maishare. Dahil sa kanila, binago nila ang takbo ng buhay ko 🙂

Nikki

Sa mga nagtatanong kung sino ang KathNiel, sila lang naman ang aming Teen King at Queen na ngayon ay King and Queen of Hearts na. Sila ang isa sa mga inspirasyon ko.

Ako ay isa sa mga tagahanga nila. Hindi lang ako basta-basta isang normal na tao. Ako ay isang batang may sakit na Satoyoshi Syndrome. Sa buong mundo 40 na tao lang ang meron nun. Painful muscle/bone spasms po ang nangyayari sa akin. Pag inaatake ako, yung pakiramdam ko gusto ko na sumuko dahil sa sobrang sakit na nararamdaman ko. Pero sa tuwing naiisip ko ang Mama ko at ang KathNiel, sinasabi ko sa sarili ko na “Kaya mo labanan yan, Gail. Ikaw pa! Kailangan mo muna magkaroon ng picture kasama ang KathNiel, diba? Panigurado matutuwa sila pag nalaman nila na fan ka nila.” Yan lagi ang nasa isip ko.

Kahit na may sakit ako, hindi ako nagdalawang-isip na wag ituloy ang pagiging fan ko sa KN. Support lang hanggang kaya ko. Sila din ang dahilan kung bakit ko nalalabanan ang sakit ko. Sobrang laki ang nabago sa akin dahil sa KN. Mas lalo akong tumapang at lumakas.

Isa sila sa mga role models ko. Dahil din sa KathNiel at sa pamilya ko at syempre kay God, nakakapag-aral ako nang mabuti. Sa katunayan kahit na ganito ako, isang batang may sakit, nasa top ako. Top 6.

Simpleng pictures lang nila sobra na ang saya na naidudulot nito sa akin. Hindi ako nakakapunta sa mga mall shows or events nila dahil hindi ko pa kaya at kung minsan malalayo ang location.

Sabi ng iba, ano daw ba mapapala ko sa pagfafangirl ko sa kanila? Hindi kasi nila alam ang pakiramdam na napapasaya ka nila sa simpleng paraan lang. Yung marinig mo lang boses nila mapapangiti ka na lang. Effortless!

Tinatanong din ng iba kung hadlang daw ba yung sakit ko sa pagfangirl ko. Sabi ko hindi kasi alam ko pagsubok lang ito. Kinakaya ko ang bawat hamon para sa KathNiel at sa pamilya ko. Kung may hahadlang man, mahahanapan yan ng solusyon. Itong sakit ko alam ko isa itong hadlang sa kasiyahan ko pero dahil gusto ko ang ginagawa ko, nakakaya ko ito.

Being a fangirl has never been easy. You might be tired but at the end of the day, you’ll know that it’s all worth it. Fangirling isn’t just my thing. It is my PASSION. Makapunta lang ako sa concert ni DJ, kahit malayo pa man ang seat, hindi na importante yun. Basta masasabi ko na nandun ako sa araw ng concert niya. Yun ang mahalaga.

Thank you for this opportunity. Manalo man o hindi okay lang. Napaka swerte ko pa rin dahil nakasali ako dito. God bless us!

Areeysah

I admit hindi ako fan ng KathNiel simula pa lang, but then I already saw their chemistry.

Ang dami ko narealize sa buhay ko simula nang dumating ang KathNiel. Dahil sa kanila nalaman ko ang gusto ko sa buhay. Natuto akong maging ganap na writer sa Wattpad. Lumabas ang skill ko sa pagsusulat dahil sila ang ginawa kong characters at sila na din ang nagiging inspirasyon ko sa pagsusulat. Sila na naging inspirasyon ko ever since.

Dahil rin sa kanila nalaman ko ang mga bagay na about sa love. Kung ano nagagawa ng pag-ibig sa isang tao, kung paano ito napapabago ang isang tao at maging inspirasyon sa isa’t-isa. They’re my relationship goals.

Lumabas ang hilig ko sa fashion dahil sa mga styles na nakikita ko kay Kath. Natuto ako pumorma. Dahil rin kay Kath natuto ko pangalagaan ang sarili ko, ang proper diet, kung paano imaintain ang pagiging malinis sa sarili at sumubok ng iba’t ibang sports not just for fun pero para na din as exercise.

Yung mga boy stuff na nakikita ko kay DJ, I adore them very much. He is my boyfriend goals.

Nalaman ko rin na ang paghihirap ay may kapalit na magandang bagay. Kung gusto ko ma-achieve ang pangarap ko kailangan ko magwork hard. Dahil sa sipag nila ang dami na nila napupuntahan na places. Doon ako lalo na-inspire. Nakakatuwa isipin na bata pa lang sila pero ang dami na nila na-accomplish sa buhay. Natutuwa ako sa tuwing nakakapunta ng ibang bansa ang KathNiel lalo na kapag naabot nila ‘yung dream country na gusto nila puntahan. Nakakaproud lang sa pagiging fan dahil alam ko naging worth it lahat ng paghihirap nila.

Ang ganda rin tignan kung paano sila magmahal sa kapwa nila. Ang pagiging caring nila at mapagmahal na anak, kapatid at kahit sa mga fans nila. Hindi sila ganun humuhusga ng tao at pinapabayaan lang ang mga haters. Hindi ginagawang big deal ang isang issue basta mahal nila ang trabaho nila. Gusto ko ‘yung pagiging matapang nila sa pagharap sa mga bagay na nakakasira sa kanilang image pero hindi nila ito pinapatulan o pinapalaki pa ang issue.

Ang dami kong rason kung paano nabago o naging malaking epekto sa buhay ko ang KathNiel. Hindi ko ma-express in words kung paano pero higit sa lahat ng ito, ang pinakatumatak sa isip ko dahil sa kanila ay ang magandang ugali nila, na kahit super sikat sila, nanatili sila kung paano sila pinalaki ng magulang nila. Lagi pumapasok sa isip ko na dapat maging mabait ka, generous, down-to-earth sa lahat ng tao, mabait man o hindi sa’yo. Dahil ‘yun ‘yung nakikita ko sa KathNiel kaya ganun ang gusto ko maging.